Implant

Ang Implanon contraceptive implant ay isang hormonal subdermal implant na inilalagay sa braso. Ipinapaliwanag namin ang lahat tungkol sa pamamaraang ito dito.
Implant

Buod

Ang mga implant ay maliit at plastik na mga rod o kapsulang ipinapasok sa ilalim ng balat ng itaas ng braso ng babae. Napakaliit ng mga ito; sa katunayan, hindi ito makita ng karamihan ng tao sa sandaling naipasok na ito. Ang implant ay naglalabas ng progestin, isang hormone na pumipigil sa mga ovary mong maglabas ng eggs at pinakakapal ang mucus ng iyong cervix – na nakakatulong sa pagpigil sa sperm na makarating sa egg. Pinipigilan nito ang pagbubuntis nang hanggang 5 taon, depende sa uring pipiliin mo. Mayroong iba’t ibang uri, kabilang ang Implanon, Jadelle at Levoplant.

Mabilis na mga katotohanan

  • Walang makakakita sa mga rod o kapsula. Madali, napakaepektibo, pangmatagalan, at maaaring bawiin ito.
  • Pagiging epektibo: ang implant ay kabilang sa mga pinakaepektibong pamamaraan. 99 sa bawat 100 kababaihang gumagamit nito ay magagawang pigilan ang pagbubuntis.
  • Mga side effect: ang hindi regular na pagdurugo ay ang pinakakaraniwang side effect ng implant
  • Pagsisikap: mababa. Mabilis na paglalagay at wala ka nang kailangang gawin sa loob ng 3-5 taon
  • Hindi nakakaprotekta laban sa mga sexually transmitted infection (STI).

Mga detalye

Magpalagay ka, tapos kalimutan mo na. Kung ayaw mong alalahanin pa ang pamamaraan ng contraceptive mo, maaaring ang implant na nga ang para sa iyo. Sa sandaling naipasok na ito, maaari mo itong iwan sa loob ng 3-5 taon, depende sa kung aling implant ang ginamit.
Hands-free. Walang package o resetang kailangang daanan pa sa parmasya. Walang mawawala o makakalimutan.

Ganap na pagkapribado. Walang makakaalam kung may implant ka. Walang packaging, at wala ka nang kailangang gawin bago makipagtalik.
Pagdating sa tanong tungkol sa pagbubuntis. Mabilis ka dapat na mabubuntis pagkatapos mong ipatanggal ang implant. Kung hindi ka pa handang mabuntis sa sandaling ipatanggal mo ito, tiyaking gumamit ng ibang pamamaraan para maprotektahan ang sarili mo.

Pagiging available. Gusto mo bang gamitin ang pamamaraang ito? Available ang pamamaraang ito sa maraming lugar. Gayunpaman, hindi available ang lahat ng uri sa ilang bansa.

Paano gamitin

Sa sandaling mailagay na ang implant, wala ka nang kailangan pang gawin. Mananatili sa ilalim ng balat mo ang implant, na magbibigay ng proteksyon laban sa pagbubuntis nang hanggang 3-5 taon, depende sa ginamit na implant.
Paglalagay ng implant: kukunin ng isang provider ang iyong impormasyong medikal at bibigyan ka ng pisikal na pagsusuri. Tapos pamamanhirin nila ang maliit na bahagi ng itaas ng braso mo gamit ang painkiller, at ipapasok ang mga rod o kapsula sa ilalim ng balat mo. Ganoon lang iyon.

Kapag ipinalagay mo ang implant sa unang limang araw ng iyong regla, mapoprotektahan ka kaagad laban sa pagbubuntis. Kung lampas ka na sa unang limang araw na iyon, kakailanganin mong gumamit ng back-up na pamamaraan para sa susunod na linggo. Mga eksternal na condom (para sa lalaki), internal na condom (para sa babae), diaphragm, sponge, o pang-emerhensiyang contraception ).

Kapag oras na para alisin ang implant, pamamanhirin ulit ng provider mo ang iyong braso, magsasagawa siya ng maliit na hiwa sa iyong balat, at tatanggalin niya ang implant. Kung interesado kang ipagpatuloy ang paggamit ng implant, maaari silang maglagay ng bagong implant sa parehong pagkakataon.

Mga side effect

Magkakaiba ang bawat isa. Ang nararanasan mo ay maaaring iba sa nararanasan ng ibang tao.
Ang Positibo: maraming bagay tungkol sa implant na makabubuti sa iyong katawan, gayundin sa pakikipagtalik mo.

  • Hindi nakakaabala sa init ng sandali
  • Karamihan ng mga babae ay mas madalang at mas kaunti ang regla
  • Hindi mo kailangang inumin ito araw-araw
  • Ayos na ang birth control mo para sa 3-5 taon
  • Ligtas gamitin para sa mga naninigarilyo at sa mga may hypertension at diabetes
  • Maaari mong gamitin habang nagpapasuso ka
  • Maaaring gamitin ng mga babaeng hindi pwedeng gumamit ng estrogen
  • Maaaring bawasan ang mga sintomas ng premenstrual syndrome (PMS), depresyon, at mga sintomas ng endometriosis

Ang Negatibo: inaalala ng lahat ang mga negatibong side effect, pero para sa karamihan ng babae, hindi problema ang mga ito. Kapag nakaranas ka nga ng mga side effect, malamang na mawawala rin ang mga iyon. Nagpapasok ka ng mga hormone sa katawan mo, kaya maaaring tumagal ng ilang buwan bago ito makaangkop. Ang mga pinakakaraniwang reklamo:

  • Hindi regular na pagdurugo, lalo na sa unang 6-12 buwan (maaari itong mangahulugang spotting sa pagitan ng mga regla o pagkakaroon ng mas matagal at mas malakas na mga regla. Ang ibang kababaihan ay may hindi regular na pagdurugo sa buong panahong nasa loob ang implant. Ang ibang kababaihan ay hindi talaga nireregla. Kailangang maging ayos lang sa iyo ang hindi regular na regla kung iniisip mo ang implant.) Ang mga gumagamit ng Implanon ay may mas malaking tsansang magkaroon ng hindi madalas o walang buwanang pagduruga kumpara sa hindi regular na pagdurugo.

Mga hindi kasing-karaniwang side effect:

  • Taghiyawat
  • Pagbabago sa ganang kumain
  • Pagbabago sa iyong ganang makipagtalik
  • Mga cyst o bukol sa ovary
  • Depresyon
  • Pag-iiba ng kulay o pagkakaroon ng peklat sa balat, sa ibabaw ng implant
  • Pagkahilo
  • Paglalagas ng buhok
  • Pananakit ng ulo
  • Pagduduwal
  • Nerbiyos
  • Sakit sa bahaging pinaglagyan ng implant
  • Pananakit ng suso

Kapag naramdaman mo pa rin na ang mga side effect ay higit pa sa kaya mong tanggapin pagkalipas ng anim na buwan, magpalit ng pamamaraan at manatiling protektado. Tandaan mo, mayroong pamamaraan para sa lahat ng tao, sa lahat ng lugar! Tiyaking mo lang na manatiling protektado sa pamamagitan ng agad na pagsisimulang gumamit ng panibagong pamamaraan. *Para sa napakaliit na bilang ng kababaihan, may panganib na makaranas ng mga malulubhang side effect

Mga sanggunian

[1] Allen, et al. (2016). Hormonal Contraception. In Williams Textbook of Endocrinology. Retrieved from https://www.sciencedirect.com/science/article/pii/B9780323297387000186

[2] Dr Marie Marie Stopes International. (2017). Contraception. Retrieved from http://www.mariestopes.org.au/wp-content/uploads/Contraception-brochure-web-200417.pdf

[3] FSRH The Faculty of Sexual & Reproductive Healthcare. (Amended 2019). UK MEDICAL ELIGIBILITY CRITERIA. RCOG, London. Retrieved from https://www.fsrh.org/standards-and-guidance/documents/ukmec-2016/

[4] FPA the sexual health charity. (2017). Your guide to the contraceptive implant. Retrieved from https://www.fpa.org.uk/sites/default/files/contraceptive-implant-your-guide.pdf

[5] Family Planning NSW. (2013). The contraceptive implant. Retrieved from https://www.fpnsw.org.au/sites/default/files/assets/CONTRACEPTIVE%20IMPLANT.pdf

[6] Kukstas, C. (2016). The contraceptive implant. Retrieved from https://journals.sagepub.com/doi/abs/10.1177/1755738016634119

[7] Pathfinder International. (2016). Contraceptive Implants: Clinical Training. Retrieved from https://www.pathfinder.org/publications/implants-training/

[8] Rowlands, S., & Searle, S. (2014). Contraceptive implants: current perspectives. Open Access Journal of Contraception. Retrieved from https://www.dovepress.com/contraceptive-implants-current-perspectives-peer-reviewed-article-OAJC

[9] Reproductive Health Access Project. (2018). PROGESTIN IMPLANT. Retrieved from https://www.reproductiveaccess.org/wp-content/uploads/2015/03/factsheet_implant.pdf

[10] SHINE SA. (2018). Contraceptive implant . Retrieved from https://www.shinesa.org.au/media/product/2015/04/Contraceptive-implant.pdf

[11]World Health Organization Department of Reproductive Health and Research and Johns Hopkins Bloomberg School of Public Health Center for Communication Programs (2018) Family Planning: A Global Handbook for Providers. Baltimore and Geneva. Retrieved from https://apps.who.int/iris/bitstream/handle/10665/260156/9780999203705-eng.pdf?sequence=1

[12] World Health Organization. (2016). Selected practice recommendations for contraceptive use. Geneva. Retrieved from https://apps.who.int/iris/bitstream/handle/10665/252267/9789241565400-eng.pdf?sequence=1