Maaaring medyo kakaiba sa pakiramdam ang paggamit ng kontraseptibong tableta pagkatapos makipagtalik, lalo na kung nakasanayan mong iniinom ito araw-araw. Gayunpaman, ang ilang pormulang pinagsamang-tableta ay maaaring gamitin sa ganitong paraan kapag may emergency. Sa Paraan ng Yuzpe, ilang aktibong tableta ang bumubuo sa unang dosis, at inuulit ang parehong dosis makalipas ang 12 oras.
Ang Yuzpe ay karaniwang ginagamit bilang huling opsyon. Para sa ilang tao, maaari itong maging susunod na opsyon kung hindi sila makahanap ng tableta na talagang para sa emergency contraception. Ang medyo nakakalito ay ang tamang dosis, dahil nag-iiba ito depende sa hormones at sa lakas ng bawat produkto. Kaya mahalagang ipasuri muna ang pakete ng tableta sa pharmacist o healthcare provider bago ito gamitin.
Ano ang Paraan ng Yuzpe?
Ang layunin ng Yuzpe ay ma-delay ang paglabas ng itlog bago ang ovulation. Ang Yuzpe ay nakabatay sa dalawang hormone, ethinyl estradiol at levonorgestrel. Sa tamang dami, maaari nilang ipagpaliban ang paglabas ng itlog. May tsansa lamang na gumana ang pamamaraan kung hindi pa nangyayari ang paglabas na iyon.
Dahil dito, ibang-iba ang Yuzpe sa mga gamot na ginagamit para sa pagpapalaglag. Hindi nito tinatapos ang pagbubuntis na nagsimula na. Kung nakainom ka ng Yuzpe bago mo nalaman na buntis ka, wala pang ebidensyang nagpapakitang nakakasama ito sa pagbubuntis.
Ang mga sexually transmitted infection (STI) ay isang hiwalay na isyu. Hindi ka nito mapoprotektahan laban sa HIV o iba pang STI. Ang condom pa rin ang tanging paraan ng kontrasepsyon na nagpoprotekta sa iyo mula sa pagkakaroon ng STI. Kung nag-aalala ka sa posibleng pagkakalantad pagkatapos ng hindi protektadong pakikipagtalik, pinakamainam na magpa-test para sa STI.
Bakit Ginagamit ang Yuzpe Method sa Pilipinas?
Ang isyu sa Pilipinas ay madalas ang kakulangan sa access. Maaaring nakatambay sa estante ang mga regular na pinagsamang tableta kahit na wala ang isang nakalaang emergency contraceptive pill. Dito pumapasok ang Yuzpe. Kasama sa manwal sa pagpaplano ng pamilya ng DOH ng Pilipinas noong 2014 ang paraang ito, kasama ang listahan ng mga tatak at dosis ng tableta.
Kaya kapag wala ang karaniwang emergency pill sa estante ng botika, may ibang opsyon na isinasaalang-alang ang mga providers. Ngunit hindi ito kasing simple ng “kahit anong tableta ay puwede.” Hindi pare-pareho ang stock ng mga botika, at ang pakete na mayroon ka ay kailangang tumugma pa rin sa angkop na pormulasyon.
Kailan Maaaring Gamitin ang Paraan ng Yuzpe?
Ang naputok o nadulas na condom, withdrawal na hindi gaanong naging epektibo, o pakikipagtalik nang walang kontrasepsyon, alinman sa mga ito ay maaaring maging dahilan para isaalang-alang ang Yuzpe. Mas masalimuot ang mga nakalimutang birth control pill dahil nakadepende ito sa kung anong tableta ang iniinom mo at kung aling dosis ang hindi mo nainom. Maaaring irekomenda rin ang Yuzpe pagkatapos ng sekswal na pang-aabuso kapag posible ang pagbubuntis.
Inumin ang unang dosis sa lalong madaling panahon pagkatapos ng walang proteksyon na pakikipagtalik. Ang limitasyon ay limang araw (120 oras), ngunit mas mabuting mas maaga.
Paano Magamit nang Ligtas ang Paraan ng Yuzpe
Sa Yuzpe, iinom ka ng isang buong dosis at inuulit ito makalipas ang 12 oras. Ang isang buong dosis ay naglalaman ng 100–120 mikrogramo ng ethinyl estradiol at 0.5–0.6 miligramo ng levonorgestrel, ngunit maaaring kailanganin ng ilang tableta para makuha ang dami na ito.Ang eksaktong bilang ay nakadepende sa lakas ng bawat tableta. Suriin nang mabuti ang label; ang tabletang gawa sa ibang hormone ay hindi basta-bastang mapapalitan.
Maaari bang Gamitin ang Trust o Lady Pills para sa Yuzpe Method?
Ang mga sumusunod na pormulasyon ay makikita sa gabay sa dosis ng clinical manual ng Pilipinas:
| Mga tatak at sangkap sa bawat aktibong tableta | Unang dosis | Ikalawang dosis |
|---|---|---|
| Lady: ethinyl estradiol 30 mcg + levonorgestrel 150 mcg | Inumin nang sabay ang 4 na aktibong tableta | Pag kalipas ng 12 oras,inumin nang sabay ang apat na aktibong tableta. |
| Trust: etinil estradiol 30 mcg + levonorgestrel 125 mcg | Inumin nang sabay ang apat na aktibong tableta | Pag kalipas ng 12 oras,inumin nang sabay ang apat na aktibong tableta |
Bago sundin ang table na ito, ipa-suri ang mga sangkap at dosis ng pakete. Ang mga tagubilin ay para lamang sa mga pormulasyon na nakalista.
Gamitin ang aktibong hormonal na tableta, hindi ang tableta ng iron o placebo na kasama sa ilang pakete. Maaaring nakalilito ang kulay ng mga tableta, kaya gamitin ang impormasyon sa pakete para makilala ang mga ito. Pagkatapos ng unang dosis, itala ang oras o mag-set ng alarm pagkatapos ng 12 oras.
Gaano Kaepektibo ang Paraan ni Yuzpe Kung Ihahambing sa Iba Pang Emergency Contraception?
Maaaring mabawasan ng Yuzpe ang tsansa ng pagbubuntis, ngunit hindi ito palaging epektibo. Mahalaga rin kung kailan mo ito iniinom: posible lamang itong makatulong bago ang ovulation kaysa pagkatapos na mailabas ang itlog.
Ang manwal ng Pilipinas ay nagbibigay ng pagtataya na humigit-kumulang walong pagbubuntis sa bawat 100 katao na walang emergency contraception, kumpara sa dalawa pagkatapos ng Yuzpe. Ang halimbawang ito ay naaangkop sa hindi protektadong pakikipagtalik sa ikalawa o ikatlong linggo ng cycle ng regla. Sa madaling salita, mapipigilan ng Yuzpe ang humigit-kumulang 75% ng mga pagbubuntis na walang emergency contraception. Iba iyon sa pagsasabing may 25% kang tsansang mabuntis pagkatapos mo itong inumin.
Kung makakakuha ka ng mga dedikadong tableta para sa emergency contraception na levonorgestrel o ulipristal, nagbibigay ang mga ito ng mas mahusay na proteksyon at karaniwang nagdudulot ng mas kaunting pagduduwal o pagsusuka kaysa sa Yuzpe. Mas epektibo pa ang copper IUD. Kapag inilagay ito ng isang sanay na provider sa loob ng limang araw mula sa walang proteksyong pakikipagtalik, mahigit 99% ang bisa nito. Hindi mo maaaring ilagay nang mag-isa ang copper IUD. Kailangan itong gawin ng isang sanay na provider at kailangang suriin kung ito ba ay angkop na opsyon para sa iyo.
Ano ang mga Epekto at Ano ang Inaasahan Pagkatapos Gamitin Ito?
Maraming tao ang nakararanas ng pagduduwal pagkatapos gamitin ang yuzpe method. Ang iba naman ay nakararamdam ng pagkapagod o kaunting pagkahilo o napapansin ang pananakit ng ulo, banayad na pananakit ng tiyan, o pananakit ng suso. Karaniwang nawawala ang mga sintomas na ito. Maaaring hindi magmukhang tulad ng dati ang susunod mong regla, maaari itong dumating nang maaga o huli, na may mas malakas o mas mahinang pagdurugo. Maaari ring magkaroon ng bahagyang pagdurugo (spotting).
Kung magsuka ka pagkatapos mong inumin ang mga tableta, maaaring hindi pa ito nagkaroon ng oras na matanggap ng iyong katawan. Kapag nangyari ang pagsusuka sa loob ng dalawang oras, inirerekomenda ng WHO na ulitin ang dosis. Magtanong sa pharmacist o healthcare provider kung ilang tableta iyon para sa iyong pakete. Kung patuloy itong nangyayari, itigil ang pag inom ng karagdagang tableta nang mag-isa.
Maaari mong ipagpatuloy ang iyong regular na kontrasepsyon sa sandaling matapos mo ang Yuzpe. Gumamit ng condom o iwasan ang pakikipagtalik sa susunod na pitong araw, dahil kailangan ng oras para maging epektibo ang iyong karaniwang paraan. Hindi rin mapoprotektahan ng Yuzpe ang pakikipagtalik na walang proteksyon na mangyayari pagkatapos nito.
Kailan Dapat Kumuha ng Pregnancy Test Pagkatapos Gamitin ang Yuzpe Method?
Kung higit isang linggo nang delayed ang regla mo, senyales na para mag-test. Maaaring ipagpaliban ng Yuzpe ang iyong regla, ngunit huwag ipagpalagay na iyon lamang ang dahilan. Pinapayuhan din ng CDC na mag-test kung hindi ka nagkaroon ng regla o withdrawal bleed sa loob ng tatlong linggo pagkatapos ng emergency contraception.Kung negatibo ang resulta ng pagsusuri pero hindi pa rin dumarating ang iyong regla, ulitin ito makalipas ang ilang araw o kumonsulta sa isang healthcare provider.
Kailan Dapat Maghanap ng Tulong Medikal?
Bihira ang malubhang komplikasyon, ngunit maghanap ng agarang tulong medikal kung makakaranas ka ng matindi o one-sided na pananakit sa ibabang bahagi ng tiyan, napakalakas na pagdurugo, matinding pagkahilo, o pagkawala ng malay, lalo na kung huli na ang iyong regla o positibo ang resulta ng pagsusuri sa pagbubuntis. Sa mga bihirang kaso, maaaring mga palatandaan ito ng ectopic pregnancy, kaya mahalagang magpatingin.
Nakababahala rin ang one-sided na pananakit na may kasamang pagkahilo o hindi pagdating ng regla. Dahil maaaring mga palatandaan ito ng ectopic pregnancy, humingi ng tulong kahit hindi ka pa nakapag-pregnancy test.
Mga Karaniwang Katanungan
Maaari bang Gamitin Muli ang Yuzpe Method?
Oo. Okay lang na gumamit muli ng emergency contraception sa parehong cycle. Kung madalas mo na itong kailanganin, maaaring pag-usapan ninyo ng mabuti ng isang healthcare provider ang mga regular na opsyon sa kontrasepsyon
Maaapektuhan ba ng Yuzpe Method ang Kakayahang Magbuntis sa Hinaharap?
Hindi. Ang pag-inom ng emergency contraception ay hindi nakakasira sa kakayahang magbuntis at hindi rin nito naaantala ang pagbabalik nito. Maaaring mas maaga o mas huli nang kaunti ang susunod mong regla, pero panandalian lang ito.
Maaari bang Gamitin ang Yuzpe Method Habang Nagpapasuso?
Oo. Ayon sa gabay ng CDC, maaaring gamitin ang Yuzpe habang nagpapasuso. Ito ay para sa panandaliang emergency regimen, hindi sa araw-araw na pag-inom ng pinagsamang tableta. Kung kakapanganak mo lang, magtanong sa isang clinician kung aling opsyon ang pinakaangkop sa iyo.
Maaaring tulungan ka ni Myka na maunawaan ang iyong mga pagpipilian sa kontrasepsyon. May tanong ka ba tungkol sa isang partikular na tableta? Itabi mo ang pakete. Kakailanganin ng pharmacist o healthcare provider ang listahan ng sangkap at dosis nito upang matukoy kung aling mga tagubilin ang naaangkop sa iyong tableta.
Ang Yuzpe Method ba ay Pareho sa Aborsyon?
Hindi. Ang Yuzpe method ay isang uri ng emergency contraception, hindi paraan ng pagpapalaglag. Pangunahing gumagana ito sa pagpigil o pag-delay ng ovulation bago magsimula ang pagbubuntis. Hindi nito kayang tapusin ang isang pagbubuntis na nagsimula na at hindi ito dapat ipagkamali sa tabletang pang-aborsyon.
Mga Pinagkunan
https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/emergency-contraception
www.cdc.gov/mmwr/volumes/73/rr/rr7303a1.htm
www.acog.org/womens-health/faqs/ectopic-pregnancy
www.cdc.gov/contraception/hcp/usmec/emergency-contraception.html
